-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Malaking hamon ngayon sa Biden Administration kung paano hikayatin ang lahat ng populasyon ng Amerika na magpabakuna kontra sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Jon Melegrito, news editor sa Washington DC na sa ngayon ay halos 50% pa lamang ng mga adults ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine.

Kailangan aniya na ang mabakunahan ay 70-90% para magkaroon ng herd immunity.

Aniya, kung hindi maaabot ang 90% ay delikado pa ring mahawa kahit nabakunahan na dahil sa mga bagong variants ng COVID-19.

Dahil dito ay natatakot ang kasalukuyang administrasyon na kung hindi mabakunahan ang buong populasyon ng Estados Unidos ay hindi matatapos ang hawaan at mga naitatalang namamatay.

Ayon kay Ginoong Melegrito, may tatlong dahilan kung bakit ayaw ng ibang Amerikano na magpabakuna.

Una ay ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Donald Trump, angalawa ay malakas ang individualism at pangatlo ay dahil sa epekto ng social media.

Sa ngayon ang ginagawa ng mga kinaukulan ay sila na mismo ang nagdadala ng bakuna sa mga senior citizens o sa mga bahay-bahay para makumbinsi ang mga tao na magpabakuna.