-- Advertisements --

Nakaalerto ngayon ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa sa gitna ng mga posible pang pag-ulan sa mga susunod na araw bunsod ng bagyong Isang at habagat.

Base sa datos ng ahensiya, nakapagtala ng kabuuang 15,161 kaso ng dengue mula Hulyo 20 hanggang Agosto 2, bahagyang mas mataas ito ng 2% kung ikukumpara sa 14,909 cases noong Hulyo 16 hanggang 19, linggo bago maramdaman ang mga bagyong Crising, Dante at Emong.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DOH sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at gawin araw-araw ang taob, taktak, tuyo at takip sa mga bagay na maaaring maimbakan ng tubig-ulan para hindi pamugaran ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue.

Nananatili ding bukas ang dengue fast lanes sa mga ospital ng DOH upang agad na matugunan ang mga pasyente at hinihimok ng ahensiya ang mga nakakaramdam ng sintomas ng dengue na agad magpakonsulta sa health centers o dengue fast lanes.