Suportado ng Department of Budget and Management (DBM) ang planong pagtatayo ng Mindanao Disaster Resource Center (MDRC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapabilis ang paghatid ng tulong tuwing may kalamidad sa rehiyon.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mahalagang magkaroon ng sariling production center sa Mindanao dahil sa kasalukuyan ay umaasa pa ang rehiyon sa Visayas Disaster Resource Center na nasa Mandaue City, Cebu.
Bilang tugon, tiniyak ng Department of Budget and Management ang Php1.5B na pondo para sa konstruksyon ng naturang resource center sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay DBM Secretary Ammenah Pangandaman, gagawin ng ahensya ang lahat upang mailabas ang pondo ngayong taon at agad na masimulan ang proyekto.