-- Advertisements --

Nabawasan na ang mga naka-admit na pasyenteng dinapuan ng leptospirosis sa ilang ospital ng Department of Health (DOH).

Kabilang na dito ang DOH-Tondo Medical Center na mayroon na lamang pitong bagong admission base sa datos noong Agosto 21, malaki ang ibinaba nito mula sa pinakamataas na naitalang 68 admission kada araw noong nakalipas na linggo.

Habang isang pasyente na lamang ang bagong na-admit sa National Kidney Transplant Institute ngayong linggo, mas mababa sa 25 admission na pinakamataas na naitala kada araw.

Wala naman ng naka-admit na pasyenteng may leptospirosis sa DOH-East Avenue Medical Center ngayong linggo.

Sa kabuuan, nakapagtala na ng 4,436 na kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula Hunyo 8, isang linggo matapos ideklara ang panahon ng tag-ulan hanggang noong Agosto 21.

Mananatili namang bukas ang mga leptospirosis fast lanes at tiniyak na nakahanda para sa posibleng mga admission ang mga kama sa mga ospital ng DOH.

Binigyang diin din ng DOH na mahigpit ang mandato ni Health Sec. Ted Herbosa sa mga DOH hospital na bawal tanggihan ang mga pasyente kasabay ng ipinapatupad na zero balance billing alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.