Kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kanilang iniimbestigahan ang listahan ng mga ‘contractors’ na umano’y sangkot sa isyu ng flood control projects.
Ayon kay Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr, tinitingnan at iniimbestigahan na aniya ito ng kawanihan.
Kanyang ibinahagi na sinusubaybayan ng Bureau of Internal Revenue ang imbestigasyong isinasagawa ng kamara pati ng senado hinggil sa naturang isyu.
Kaya’t ani pa niya’y tinutukan din ito ng kawanihan lalo na ang mga makikitaan ng problema at sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“Lahat ng mga sinasabi na involved at mga potentionally problematic ay tinitingnan at iniimbestigahan natin”, ani BIR Comm. Romeo Lumagui Jr.
Samantala, kasabay ng kanyang kumpirmasyon hinggil sa imbestigasyon, inihain ng kawanihan ngayong araw sa Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong paglabag sa pagbabayad ng tamang buwis.
Ayon kay Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ng naturang kawanihan, sinampahan nila ng mga kasong kriminal ang ilang mga indibidwal at mga negosyong ilegal na nagbebenta ng produktong vape.
Ang ’75 tax evasion case’ laban sa mga ito ay aniya’y magkakasabay na inihain sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa ngayong araw.
Dagdag pa ng naturang commissioner, nag-ugat ang paghahain ng kasong kriminal kasunod ng mapatunayan na bigong makapagbayad ng kaukulang ‘excise tax’ sa mga produktong ibinebenta.
“Nagsampa tayo ng kaso laban dun sa mga illicit vape traders ano, ito yung mga retailers na ni-raid natin at nahuli natin at na-confiscate natin at napatunayan natin na hindi bayad ang mga excise tax sa mga produktong binebenta nila na mga vapes,” ani Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ng BIR.
Tinatayang aabot sa higit 700-milyon Piso ang nawala umano sa koleksyon ng buwis ng kawanihan dahil sa naturang kaso.
“In total figure na nawala dito ay sinisingil natin na tax liabilities ay nasa 711 million Pesos,” ani Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ng BIR.
Kanya pang binigyang diin na ang mga nakumpiskang produktong vape ay ilegal na ibinebenta sapagkat hindi aniya ito rehistrado sa Bureau of Internal Revenue.