-- Advertisements --

Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) Registry na nakatanggap ito ng kabuuang 303 na aplikasyon para kilalanin bilang biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para makalahok sa proceedings sa kaso ng dating Pangulo.

Ayon sa Victims Participation and Reparations Section (VPRS), limitadong bilang ito kumpara sa bilang ng mga biktima ng war on drugs na nais na makilahok sa kaso.

Base sa report ng naturang ICC Registry, desidido ang mga biktima na makamit ang hustisiya at nais na makatulong sa proceedings.

Kaugnay nito, trinatrabaho na ng naturang ICC registry na maipaalam at matulungan ang mga biktima partikular na ang mga dati nang napasama sa mga naunang court proceedings para sa transparent at inklusibong proseso.

Nagbigay na aniya ang ICC Registry ng application forms na nakasulat sa Tagalog, Cebuano, English at French at nagdaos ng mga pagpupulong para maipaalam sa mga posibleng aplikante ang kanilang mga karapatan at ang proseso.

Sinabi din ng Registry na nagsagawa na ito ng preliminary assessment sa mga submission para makumpirma ang pagkakakilanlan ng bawat aplikante, gayundin ang panganib na kanilang dinanas at para masuring mabuti na ito ay may kaugnayan sa crime against humanity sa murder case laban kay dating Pangulong Duterte.

Ang mga pagkakakilanlan ng mga aplikante ay na-establish sa pamamagitan ng mga dokumento gaya ng voter’s ID, barangay IDs at certified affidavits na ayon sa ICC Regustry ay dati ng inaprubahan ng kapulungan at dapat na tanggapin.

Nakatakda ngang simulang dinggin ang confirmation of charges laban sa dating Pangulo sa Setyembre 23.