-- Advertisements --

Bumwelta si Leyte Representative Richard Gomez kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay sa akusasyon nito sa mga Kongresista na umano’y mga kurakot.

Sa social media post ng mambabatas, hindi nito pinangalanan ang alkalde subalit tila kaniyang itinutumbok si Mayor Magalong na hayagang sinasabi na may mga mambabatas na sangkot sa korupsiyon.

Sinabihan ni Rep. Gomez si Magalong na ayusin na muna nito ang kaniyang siyudad bago magturo sa iba.

“ Fix your own house first before pointing fingers at others,” wika ni Rep. Gomez sa kaniyang facebook post.

Nagpahayag ng pagka dismaya ang Leyte solon dahil sa paulit-ulit na akusasyon ng alkalde na kaniyang inilalarawan na isang taktika para makakuha ng atensiyon sa media.

Hinamon din ni Gomez ang imahe na nilinang ng alkalde bilang isang public official na walang katiwalian.

Giit ni Gomez na hindi na siya nasurpresa sa tinaguriang ‘clean’ mayor na nagbabato ng akusasyon ng corruption sa mga congressmen dahil ito ay maituturing na “easiest issue.”

Ayon sa Kongresista kung mayruong alitan sa pagitan ng alkalde at ng sariling kinatawan ng distrito sa lungsod na nagdala ng maraming proyekto sa kanila ay huwag nitong idamay ang iba pang mambabatas.

Ipinunto ni Gomez kung personal ang mga hinaing ni Mayor Magalong na nag ugat sa isang local competition ay dapat resolbahin ito nila at huwag idamay ang buong institusyon.

“If you have a problem with your congressman, face him. Don’t drag all of us into your fight. Don’t discredit every congressman just to make yourself look good,” dagdag pa ni Gomez.

Bwelta pa ni Gomez na tingnan muna ni Magalong ang kaniyang siyudad na nababalot din ng mga problema gaya ng mga sumusunod: Ang kalidad ng hangin ay lumalala, walang sapat na pampublikong transportasyon, ang sistema ng pagtatapon ng basura ay sira, ang lungsod ay masikip, naglipana mga iligal na istruktura at ang pagpaplano ng lunsod ay nagugulo.

“Maybe it’s time to fix your own house first before pointing fingers at others. Mahiya ka naman,”wika ni Rep. Gomez.