-- Advertisements --

Hinimok ni House Deputy Minority Leader Perci Cendaña ang Department of Justice na agad simulan ang proseso ng extradition kay Kingdom of Jesus Christ Founder Apollo Quiboloy kabilang ang paghiling sa mga korte na resolbahin na ang mga kaso laban sa kanya.

Ayon kay Cendaña, dapat sagutin ni Quiboloy ang mga reklamo ng human trafficking, sexual exploitation at pag-abuso sa mga menor de edad.

Hindi aniya ito simpleng misconduct dahil nabatid umano ang kapangyarihan at impluwensiya ni Quiboloy.

Punto ng kongresista, kahit nasa loob ng bilangguan ay malawak pa rin ang kapangyarihan ni Quiboloy sa relihiyon at pulitika sa bansa na nagpapahina sa imbestigasyon at nagdudulot ng panganib sa mga testigo.

Binigyang-diin ni Cendaña na sa mga pagdinig ng Senado ay narinig ang mga nakababahalang testimonya na nagpatotoo sa akusasyon ng pang-aabuso, exploitation at pagsasabwatan sa loob ng organisasyon ni Quiboloy.

Dagdag pa nito, walang sinuman kahit ang nagpapakilalang anak ng Diyos ay nakaaangat sa batas lalo na ang inaakusahan ng krimen laban sa mga bata at sa sangkatauhan.

Sa panig naman ni Manila Rep. Joel Chua, hintayin na lamang ang magiging desisyon ng Department of Justice (DOJ) ukol dito.