Aminado ang kampo ng nakadetenang si Pastor Apollo C. Quiboloy na posibleng maipatupad ang extradition kahit pa may nakabinbin itong mga kasong kinakaharap.
Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo sa legal counsel ni Pastor Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, kanyang inamin na ito’y hindi imposibleng mangyari.
Aniya’y may kapangyarihan ang estado ng bansa kung pagbibigyan nito ang hiling ng Amerika na extradition para sa naturang pastor.
Nahaharap kasi ang kontrobersyal na televangelist sa ilang mga kaso tulad ng child sex trafficking, fraud, at iba pa na ngayo’y wanted rin sa naturang bansa.
Habang binigyang diin naman ni Atty. Torreon na bagama’t posibleng ipadala ang akusado sa Amerika, aniya’y opsyon pa rin sa bansa ang tapusin muna ang mga nakabinbing kaso nito bago talakayin ang usapin extradition.
Habang kanya namang ibinagi na bigo pa silang makatanggap ng anumang dokumento o pormal na kopya sa ‘Extradition Request’ ng Estados Unidos.
Aniya’y hinihintay pa nila ito kasabay ng apela sa gobyerno na galangin muna ang pag-usad ng kaso sa bansa bago pagdesisyunan ang naturang kahilingan ng dayuhang bansa.
Samantala, hiniling naman ng kampo ni Pastor Quiboloy sa bansang Amerika na igalang nito ang soberanya ng bansa kaugnay sa kanilang ‘extradition request’.
Giit kasi ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, nasa korte naman na raw ng Pilipinas ang mga kaso ng kanyang kliyente kaya’t dapat na muna itong ipaubaya aniya.
Ang akusadong si Pastor Apollo Quiboloy ay kasalukuyang nakadetena dahil sa reklamong abuse at human trafficking sa bansa.