Iniimbestigahan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagguho sa Green Leap Sanitary Landfill sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Pebrero 20, 2026.
Tatlong manggagawa ang unang naiulat na nawawala ngunit kalaunan ay natagpuan silang ligtas matapos magpagamot.
Ayon sa DENR, agad silang nagpadala ng mga tauhan mula sa Environmental Management Bureau – Calabarzon upang suriin ang lawak ng pinsala. Inutusan din nila ang Green Leap Solid Waste Management, Inc. na magsagawa ng slope stabilization operations at maghain ng detalyadong action plan.
Pinagbawalan ang paggamit ng mabibigat na kagamitan sa mga high-risk zones upang maiwasan ang karagdagang aksidente.
Nanawagan si Rizal Governor Nina Ricci Ynares ng mas malalim na imbestigasyon dahil sa pangamba ng mga residente at urban poor groups hinggil sa kaligtasan at epekto sa kapaligiran.
Tiniyak ng DENR na patuloy nilang babantayan ang lugar at ipatutupad ang mga hakbang para sa rehabilitasyon at kaligtasan ng publiko.
















