-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia na hindi nararapat na gamitin ni Drixie Mae Suarez (Cardema) ang apelyido ng kanyang brother-in-law, na “Cardema,” sa kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).

Ayon kay Garcia, hindi ito ang kaniyang tunay na apelyido at hindi rin ito maaaring ituring bilang isang “stage name” na pinahihintulutan sa mga legal na dokumento.

Sa isang interpelasyon kay Chairperson Garcia sa budget hearing na ginanap sa Kamara, ipinaliwanag niya nang mas detalyado ang kanyang posisyon.

Sinabi niya na malinaw na hindi dapat ginamit ni Suarez ang apelyido na Cardema dahil hindi naman ito ang kaniyang family name.

Dagdag pa niya, hindi rin ito sakop ng anumang probisyon na nagpapahintulot sa paggamit ng stage name, dahil hindi ito ang katotohanan.

Binigyang-diin din ni Chairperson Garcia na ang paggamit ng apelyido ng isang in-law ay hindi pinapahintulutan sa ilalim ng Republic Act 7941, na mas kilala bilang ang Party-List Law.

Idinagdag pa niya na walang tinatanggap na “nickname” o “stage name” sa CONA, dahil ang tunay na kandidato sa ilalim ng party-list system ay ang mismong party-list, at hindi ang indibidwal na nominado bilang kinatawan.

Bukod pa sa posibleng misrepresentation, maaari rin umanong maharap ang Duterte Youth Party-list nominee sa mga kaso ng falsification at perjury.