Mariing nanindigan ang dating tagapagsalita ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na si Mustapha Kabalu na labag umano sa konstitusyon ang pag-urong sa pagsasagawa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Parliamentary Elections.
Kung saan nakapaloob sa kanyang petisyong inihain sa Kataas-taasang Hukuman o Korte Suprema ang pagtutol sa isang batas na muling nagpaliban sa naturang eleksyon.
Partikular ito sa Republic Act No. 12123 of 2025 o an Act Resetting the First Regular Elections in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kaya’t ang naturang petitioner ay muling nagtungo sa Korte Suprema upang idulog ang hiling na kadyat na aksyon hinggil sa kanyang mga petisyon.
Maalala kasi na kanyang inihain kamakailan ang Petition for Certiorari, Prohibition and Mandamus upang hilingin na maipadeklarang ‘unconstitutional’ ang nabanggit na batas.
Naniniwala kasi ang panig ng petitioner na hindi umano dumaan sa plebisito ang naturang batas, gayong kailangan raw muna itong ratipikahan ng mga mamamayan ng Bangsamoro.
Binigyang diin din ng dating tagapagsalita ng MILF na nilabag sa pag-urong ng eleksyon ang mandato na sabayang halalan o synchronous elections para sa mg local at national positions.
Bunsod nito’y mapapaikli ang haba ng termino ng mga mahahalal na opisyal sa parlyamento na salungat sa tatlong taong nmandato na nakapaloob sa konstitusyon.
Nakapaloob sa petisyon ang kahilingan na mapigilan ang mga respondents na ipatupad ang implementasyon ng RA No. 12123 sakaling maideklarang ‘unconstitutional’ ito ng Korte Suprema.
Ang mga respondents sa petisyon ay ang Office of the President, House of Representatives, Commission on Elections at Bangsamoro Transition Authority.
Bunsod nito’y maaring ituloy na lamang ang naturang parliamentary lectionsa sa susunod na kasabay na halalang gaganapin pa sa taong 2028.
Ngunit sa kabila naman nito ay nauna ng inihayag ng Commission on Elections na kanilang itutuloy ang eleksyon sa darating na Oktubre.
Ayon kasi kay Chairman George Erwin Garcia, umaarangkada na ang kanilang mga paghahanda o preparasyon maisakatuparan lamang ang Parliamentary Elections.