-- Advertisements --

Pinagtibay ng Kataastaasang Hukuman ang pagkilala ng Commission on Elections o COMELEC sa 2022 Constitution at By-Laws ng Partido Federal ng Pilipinas.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, napagpasyahan ng Supreme Court En Banc na hindi ‘valid’ ang pagkakatalaga kina Leandro Vercedes Jr. at Antonio Rodriguez Jr. bilang mga opisyal ng partido sa naganap na pulong noong Disyembre 2023.

Ang naturang partido ay isang ‘political party’ nakarehistro sa COMELEC ngunit nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawang ‘faction’ o pangkat pinamumunuan nina Vercedes at Reynaldo Tamayo Jr.

Sina Tamayo, Thompson Lantion at George Briones ang siyang nanumpa bilang mga opisyal ng partido noong 2021 sa terminong may haba ng tatlong taon.

Dito giniit ng kabilang faction nina Vercedes na anila’y tapos na ang termino ng mga opisyal noon pang 2023 base sa 2018 Constitution and By-laws ng partido dahil sa two-year term.

Kaya’t kanilang idinulog ang isyu sa Commission on Elections upang maresolba ito ngunit kinatigan ng komisyon ang panig nina Tamayo at kinumpirmang wasto naman ang pagkakapalit ng mga panuntunan ng partido noong 2022 mula sa bersyon nitong 2018.

Ang Korte Suprema inilabas ang desisyon nagpapatibay sa naging hatol ng COMELEC kasabay ng pagsasaad na ang opisyal na kinikilalang Constitution at By-laws ng partido ay ang bagong bersyon ng 2022.

Buhat nito’y tatlong taon na ang haba o tagal ng termino ng mga maitatalagang opisyal ng Partido Federal ng Pilipinas sa posisyon nitong lebel ay pambansa.