Umaani ngayon ng batikos mula sa kritiko ni US President Donald Trump sa pagdiriwang ng US Independece Day o tinatawag na 4th of July.
Sa programa na isasagawa sa Mount Rushmore sa South Dakota ay hindi anila ipapatupad ng US President ang physical distancing.
Bukod pa dito ay gagastos ang kanilang gobyerno ng nasa $600,000 o mahigit P30-M para lamang sa fireworks.
Ito kasi ang unang pagkakataon na ipagdiriwang sa sikat na national park ang US Independence Day dahil isinara ito noong 2009 bunsod ng environmental issue.
Makikita sa nasabing park ang malaking imahe ng apat na pangulo ng US sa bundok na sina George Washington, Thomas Jefferson, Theodore Roosevelt, at Abraham Lincoln.
Aabot sa 75,000 na katao ang mapalad na mabibigyan ng pagkakataon na manood sa nasabing okasyon.
Mismong si South Dakota Governonr Kristi Noem ang nagkumpirma na hindi nila ipapatupad ang social distancing subalit magpapamigay sila ng libreng face mask sa mga dadalo.