Kinuwestiyon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pananatili sa puwesto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng isyu ng umano’y trilyong pisong halaga ng flood control ghost projects.
Giit ni Pangilinan, trilyong pisong halaga ng flood control ghost projects ngunit tila hindi natitinag ang kalihim at hindi pa rin nagre-resign.
Hindi rin isinasantabi ng senador na posibleng kasabwat si Bonoan sa katiwalian sa maanomalyang flood control projects.
Kaya naman nanawagan si Pangilinan sa pagkakaroon ng independent commission na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang proyekto.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng transparency, accountability, at tamang paggamit ng pondo ng bayan upang maprotektahan ang mga pinakaapektadong komunidad laban sa pagbaha.
Iminungkahi rin ng senador na pamunuan ang komisyon ng mga personalidad na may kredibilidad tulad nina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating DPWH Secretary Rogelio Singson, at Baguio City Mayor Benjie Magalong.
Samantala, suportado rin nito ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lifestyle check ng lahat ng opisyal ng gobyerno, lalo na sa gitna ng kontrobersiya sa flood control projects.