-- Advertisements --

Naghain ng panukalang batas si Paranaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan para labanan ang pagkalat ng artificial intelligence (AI)-generated fraud sa pamamagitan ng mahigpit na implementasyon na regulasyon sa paggamit ng deepfakes.

Hinikayat ng Paranaque solon sa Kongreso ipasa ang House Bill (HB) 3214 layong protektahan ang mga Filipino mula sa AI-generated  deepfakes na  maaaring “gamitin”  upang linlangin ang publiko,  sirain ang mga reputasyon, magpanggap bilang mga indibidwal at kahit na ilarawan ang mga tao at ang non-consensual sexual content, maaari rin itong gamitin para  maniobrahin ang pampulitikang diskurso, at mag-udyok pa ng poot o karahasan.

Sinabi ng Kongresista panahon na para magkaroon nang matibay na batas laban sa mga deepfakes  na ang pakay ay mang-scam ng kapwa,  manira,  o magpakalat ng fake news.

Sa ilalim ng HB 3214 o ang iminungkahing Deepfake Regulation Act, ang bawat Pilipino ay dapat magkaroon ng likas na karapatan sa sariling pagkakahawig, kabilang ang mukha, katawan at boses, nang hindi nangangailangan ng paunang pagpaparehistro para sa trademark o proteksyon sa copyright.

Pinoprotektahan din ng HB 3214 ang sinumang tao na ang pagkakahawig ay ginamit nang walang pahintulot sa isang deepfake sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karapatang humiling ng pag-alis ng hindi awtorisadong nilalaman mula sa platform kung saan ito naka-host.

Dapat sumunod din ang platform sa kahilingan sa pagtanggal sa loob ng 48 oras mula nang matanggap ang napatunayang reklamo.

Ang sinumang tao o platform na mapapatunayang  na sadyang gumawa, namahagi, o tumangging mag-alis ng deepfake na content pagkatapos ng valid na notice ay paparusahan ng pagkakulong mula dalawa hanggang limang taon at multang mula P50,000 hanggang P200,000.

Ang mga online platform na hindi sumunod sa mga kahilingan sa pagtanggal sa loob ng tinukoy na 48 oras na panahon ay pagmumultahin ng P50,000 bawat araw ng hindi pagsunod sa ilalim ng panukalang batas.