-- Advertisements --

Isinusulong ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang pagbuo ng P20-billion trust fund sa ilalim ng isang batas na sasaklaw sa comprehensive social benefits para sa lahat ng uniformed service personnel at kanilang mga mahal sa buhay, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo sa pagbibigay ng seguridad at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Ayon kay Escudero, may mga naging pagsisikap na noon upang mapabuti ang kalagayan ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang uniformed personnel — kabilang na rito ang pagtaas ng kanilang sahod at pagbibigay ng karagdagang benepisyo. 

Gayunpaman, ang mga ito ay naipatupad sa pamamagitan lamang ng mga executive issuances, kaya’t maaaring mabago o tuluyang kanselahin anumang oras.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 276, nais ni Escudero na gawing institusyonal ang mga benepisyong ito sa pamamagitan ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP).

Saklaw ng panukalang batas ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), CAFGU Active Auxiliary, Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), at Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang kanilang mga dependent o umaasa sa kanila.

“Nararapat lamang na matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga uniformed personnel kapag may mangyari sa kanila–sa giyera man o habang nagreresponde sa krimen, sunog, at iba pang mga sitwasyon na peligroso. Ganun na rin para sa kanilang kaanak at mga mahal sa buhay. Responsibilidad ito ng ating pamahalaan,”  ayon kay Escudero. 

Ang P20-bilyong trust fund ay gagamitin upang pondohan ang mga sumusunod:

  • – Lump sum financial assistance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa kaso ng pagkamatay o ganap na permanenteng kapansanan na natamo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
  • – Educational assistance sa pamamagitan ng mga scholarship program at study grant na ipagkakaloob ng mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
  • – Pinansyal na tulong para sa pagpapatayo, pagsasaayos, o pagpapaganda ng tahanan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
  • – Health and medical assistance sa ilalim ng universal health program at iba pang mga programang pangkalusugan ng Department of Health (DOH).

Bukod pa rito, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay i-enroll sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), o kaya’y makakatanggap ng buwanang subsidiya na katumbas ng 40 kilong bigas o ang katumbas nitong halaga sa salapi. 

Magkakaloob din ng employment assistance, na pamamahalaan ng mga kaukulang uniformed services.