Nagsampa ng reklamo ang isang abogado ng ethics complaint laban kay Senate Deputy Majority Leader at Ethics Committee Chair Senador JV Ejercito, dahil sa umano’y malubhang pagpapabaya sa tungkulin matapos umanong hindi aksyunan ang reklamo laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero.
Kinumpirma ni Ejercito na natanggap niya ang reklamo ni Atty. Marvin Aceron, na nagsabing mahigit 109 araw na ang lumipas mula nang ihain ang reklamo laban kay Escudero ngunit wala pa umanong aksyon, kabilang ang pagtalaga ng case number o pagbibigay ng abiso.
Paliwanag ni Ejercito, hindi pa maaaring magsagawa ng pagdinig ang ethics committee dahil hindi pa ito ganap na nabubuo. Aniya, susundin ng Senado ang mga patakaran at due process, at didinggin ang mga kaso ayon sa pagkakasunod ng paghahain kapag kumpleto na ang komite.
Ang reklamo laban kay Escudero ay kaugnay ng ₱30-milyong campaign donation na kanyang natanggap noong 2022 mula sa kontratistang si Lawrence Lubiano. Iginiit ni Escudero na ang donasyon ay legal at idineklara, at noong Nobyembre 2025, na-clear na ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Commission on Elections sina Escudero at Lubiano matapos matukoy na magkaibang legal entity si Lubiano at ang kanyang kumpanya.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang political donations mula sa mga kontratista ng gobyerno.















