Pinuna ni Senator Rodante Marcoleta ang tila “tipid’ na paglalahad ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) USec. Roberto Bernardo pagdating sa mga kongresista na umano’y sangkot sa kickback scheme gaya ni dating Ako Bicol Party list Rep. Zaldy Co.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control anomaly ngayong Biyernes, Nobiyembre 14, partikular na inusisa ni Marcoleta ang parte ng isinumiteng ikalawang supplemental affidavit ni Bernardo ang “napakatipid at sadyang hindi paglalahad ng kaniyang nalalaman.”
Kinuwestyon din ni Marcoleta ang pangingialam ng Department of Justice (DOJ) sa proceedings ng komite kung saan nalilimitahan umano ang mga respondent na ihayag ang buong katotohanan.
Nilinaw naman ni Prosecutor General Atty. Richard Anthony Fadullon na walang restriksiyong ibinigay ang DOJ. Aniya, anumang limitasyon sa mga testimoniya ng mga witness na present sa Senate inquiry ay hindi idinikta ng DOJ kundi ng batas.
Matatandaan, isa si Bernardo sa nag-aplay na maging state witness sa ilalim ng Witness Protection Program at ikinokonsiderang “protected witness” ng DOJ matapos isiwalat ang umano’y kickbacks sa flood control projects na nagdawit sa ilang public officials kabilang na sina dating Sen. Grace Poe at dating DPWH Sec. Manuel Bonoan.
Sa nakalipas na pagdinig, nauna ng pinangalanan ni Bernardo sina Sen. Chiz Escudero at dating Sen. Bong Revilla, dating Senator at kasalukuyang Makati City Mayor Nancy Binay na tumanggap umano ng kickbacks.











