-- Advertisements --

Isiniwalat ng abogado ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) USec. Catalina Cabral ang ilan pa sa mga napag-usapan nila noong buhay pa ang dating opisyal kabilang ang inihahanda noong “parametric formula” ni Cabral, na iniutos ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan para ayusin ang “district allocables, subalit hindi sinunod ng Kamara at nagpanukala ng sarili nilang adjustments.

Ayon kay Atty. Mae Divinagracia, kinonsulta ni Cabral ang isang ekonomista na dating consultant ng DPWH hinggil dito at nag-come up sa isang “algorithmic formula” na maaaring naging daan sana para matanggal ang discretion sa allocations.

Paliwanag ng abogado, ito ay isang parametric formula kung saan maglalagay lang ng mga detalye sa excel program at magge-generate na ito ng mga alokasyon para sa bawat distrito, na nakabase sa mga criteria tulad ng historical allocations, dami ng populasyon at poverty incidence.

Dagdag pa ng abogado, iprinisenta ni dating Sec. Bonoan ang naturang formula sa liderato ng Kamara de Representantes subalit ito ay nirebisa at ibinalik ang mga alokasyon mula noong nakalipas na taon.

Binalikan ng abogado ang isa sa mga pagdinig na isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan naungkat ang usapin sa “National Expenditure Program o NEP computed” at “NEP restored.”

Ipinaliwanag ni Atty. Divinagracia na ang NEP computed ay ang mga halagang na-generate mula sa algorithmic formula na inihanda nina Cabral kung saan nabawasan ang mga alokasyon para sa bawat distrito. Subalit nang ginawa ang adjustments, naibalik ang mga dating alokasyon. Habang ang NEP restored naman aniya ay ang allocables.

Maliban dito, mayroon din aniyang tinatawag na Senate at House leadership fund.

Iginiit ng abogado na kung nasunod lamang ang ginawang algorithmic formula nina Cabral hindi sana magkakaroon ng discrepancies o pagkakaiba sa allocations.

Samantala, base sa salaysay ni Cabral, sinabi ni Atty. Divinagracia na ipinadala kay Cabral ang isang email na naglalaman ng adjustments sa allocations na nagmula umano sa opisina ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co.

Bagamat hindi nakita mismo ng legal counsel ang nilalaman o kopiya ng email, sinabi niyang nasa DPWH email ito saka ipinasa ni Cabral kay Sec. Bonoan na inaprubahan kalaunan.

Samantala, itinanggi rin ng abogado ang alegason laban kay Cabral na pinakamakapangyarihan umanong Undersecretary ng DPWH. Aniya, wala itong katotohanan dahil sinusunod lamang ng dating opisyal ang mga inaatas sa kaniya.