Wala pang natatanggap na anumang impormasyon sa ngayon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pagbabalik bansa ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, na lumabas ng Pilipinas sa gitna ng paggulong ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, hindi pa sila nagkakusap ng dating kalihim at wala silang komunikasyon.
Aniya, nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects ng pamahalaan at walang sinuman aniya ang exempted mula sa pagsisiyasat.
Matatandaan, nauna nang kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umalis ng bansa si Bonoan noong Nobiyembre ng nakalipas na taon patungo sa Amerika para samahan ang kaniyang maybahay na sumailalim sa medical procedure.
Ayon naman sa Department of Justice (DOJ), hanggang sa Disyembre 17, 2025 lamang ang napaulat na pagbiyahe ni Bonoan sa labas ng bansa. Sa kasalukuyan, walang umiiral na legal prohibition sa karapatan ni Bonoan para bumiyahe sa labas ng bansa.
















