Nanawagan si Senador Francis “Chiz” Escudero ng agarang pagtugon mula sa pamahalaan—mula search and rescue operations hanggang sa pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng tirahan at mga mahal sa buhay matapos tumama ang malakas ng lindol sa Cebu.
Kasabay nito, muling iginiit ng senador ang kanyang panawagan para sa mas mahigpit na inspeksyon sa mga gusali at imprastraktura sa buong bansa.
Binigyang-diin niya na ang trahedya sa Cebu ay malinaw na paalala na ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire, at ang panganib ng lindol ay hindi dapat balewalain.
Nagpaabot si Escudero ng pakikiramay sa mga pamilya at komunidad na naapektuhan ng lindol na yumanig sa Cebu kagabi.
Nakisimpatiya rin si Senador Lito Lapid sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Cebu.
“Nakikiramay po tayo sa mga naulila ng mga nasawi at daan-daang pamilyang apektado sa lalawigan ng Cebu na niyanig ng 6.9 magnitude na lindol kagabi at ng bagyong Opong sa Bicol at Southern Tagalog regions kamakailan,” ani Lapid.
Ayon sa senador, makikipag-ugnayan sa Cebu local government unit it upang malaman ang mga agarang pangangailangan ng mga biktima ng lindol at bagyo.
Humiling din si Lapid ng panalangin.
“Hinihikayat po natin ang ating mga kababayan na ipagdasal ang mga kapatid nating nasalanta na malagpasan ang epekto ng magkasunod na kalamidad,” dagdag ng senador