Prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang pagkumpuni o pagsasaayos sa mga silid-aralan sa oras na matanggap na ang alokasyong P1.015 trillion na pondo para ngayong taon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, magiging pokus ng ahensiya ang pagpapalakas pa ng patuloy na edukasyon sa mga lugar na naapektuhan ng mga bagyo at lindol noong nakalipas na taon kasabay ng pagtiyak sa mental health pareho ng mga mag-aaral at mga guro.
Partikular na tinukoy ng kalihim ang matinding pinsalang iniwan ng Supertyphoon Uwan na sumira sa halos 3,000 paaralan sa mga apektadong lugar.
Maliban dito, nagtamo rin ng mga pinsala ang 10,400 silid-aralan na nagresulta sa ilang araw at umabot na ng ilang linggong suspensiyo ng mga klase.
Kabilang sa alokasyon sa ilalim ng 2026 budget ang pagtatayo ng Learning Continuity Spaces (LCS) na kaya umanong magawa sa loob lamang ng ilang linggo.
Ang Learning Continuity Spaces ay pansamantalang espasyo na maaaring magamit bilang silid-aralan lalo na sa mga lugar na matinding naapektuhan ng mga kalamidad.
Samantala, isa rin sa mga prayoridad ng DepEd ang pagbalangkas ng polisiya para sa pagsusulong ng ligtas, inklusibo at nakaka-motivate na kapaligiran sa mga paaralan bilang parte ng anti-bullying program ng ahensiya.














