-- Advertisements --

Nakaligtas ang nasa 50 pasahero at limang crew matapos na bumagsak ang eroplano sa karagatan ng Somalia.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng technical problem ang Starsky Aviation na isang Fokker 50 plane ilang minuto matapos ang pag-take off sa Mogadishu International Airport.

Dagdag pa ng Civil Aviation Authority (CAA) ng Somalia na humiling ang piloto na bumalik dahil sa problema subalit bigong makahinto sa runway at nag-overshoot sa Tarmac bago tuluyang bumagsak sa mababaw na bahagi ng dagat.

Ligtas naman na nakalabas sa eroplano ang mga pasahero matapos na bumagsak ito sa Indian Ocean.

Pinuri nila ang mabilis at kalmadong pagdesisyon ng piloto para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad ukol sa nasabing insidente.