-- Advertisements --

Ipapatupad na sa Lunes, (oras sa Amerika), ang bagong kautusan ni U.S. President Donald Trump ng Estados Unidos na nagbabawal sa pagpasok ng mga mamamayan mula sa 12 bansa. Kabilang dito ang Afghanistan, Myanmar, Chad, Congo, Equatorial Guinea, Eritrea, Haiti, Iran, Libya, Somalia, Sudan, at Yemen.

Habang ang pitong karagdagang bansa mula sa Burundi, Cuba, Laos, Sierra Leone, Togo, Turkmenistan, at Venezuela ay magkakaroon ng limitadong pagpasok.

Ayon kay Trump, layunin ng patakaran na ito na protektahan ang Amerika mula sa banta ng mga “dayuhang terorista,” dahil ang mga nasabing bansa, ay umano’y may maluwag na seguridad sa visa, may mahinang pagkakakilanlan, at may mataas na bilang ng mga visa overstay.

Bilang halimbawa, binanggit ni Trump ang isang insidente sa Boulder, Colorado kung saan isang Egyptian national umano ang nagtapon ng gasolina sa grupo ng mga pro-Israel na demonstrator, bagamat hindi kabilang ang Egypt sa mga bansang tinamaan ng travel ban.

Ukol dito nagpahayag naman ng pagkadismaya ang ilang lider ng mga bansang apektado kung saan iniutos ni Chad President Mahamat Idriss Deby Itno ng pagtigil sa pagbibigay ng visa para sa mga Amerikano.

‘Chad has neither planes to offer nor billions of dollars to give, but Chad has its dignity and its pride,’ post nito sa kanyang social media.