KALIBO Aklan — Ikinatuwa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ang pagbibigay pansin sa matagal nang panawagan ng mamamayan na wakasan ang political dynasty sa bansa.
Ayon kay Leodegario “Ka Leody” De Guzman, National President ng nasabing grupo, tila nagkaroon siya ng pag-asa na maaaring ngayon ay magkakaroon na ng totoong aksyon laban sa political dynasty.
Ngunit, ipinahayag din niya na hindi nawawala ang pagdududa dahil ang lahat ng nagsabing wakasan ito ay mga nanggaling din sa political dynasty.
Sa tingin din umano niya, ito na ang huling depensa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil lahat ng nasa paligid niya ay mga akusado na at ito ang paraan niya para humupa ang paghahabol ng usaping korapsyon ng mga mamamayang Pilipino.
Aniya, bibilib siya kung maisabatas ito ng pangulo ngunit dapat niya muna umanong panagutin ang mga kumamkam ng pondo sa kanyang administrayson.
Sa pagpapatupad ng Anti-political dynasty, dapat nila itong patotohanan at huwag sanang gawing pambobola lamang sa mga mamamayang umaasang ito ay magiging batas
Ang mainam aniyang gawin ng mga mamamayan ay palakasin ang kampanya, pag-iingay, at magpursige na labanan ang korapsyon na resulta ng political dynasty.















