-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP (Philippine National Police) Chief Gen. Guillermo Eleazar na pinaiimbestigahan na niya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umano’y “under the table” o pagbebenta ng mga COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines at vaccination slots.

Ayon kay Eleazar, kanilang tutugisin at papanagutin sa batas ang mga pasimuno ng ganitong modus.

Nasa proseso na aniya ang CIDG sa pagtukoy sa mga indibidwal na sangkot sa nasabing scam at sila ay maaaresto.

Giit ng PNP chief, iligal ang pagbebenta ng COVID-19 vaccine dahil nagawaran lamang ito ng Emergency Use Authorization o EUA ng ating Food and Drug Administration.

Ang hakbang ng PNP ay bunsod ng viral post sa social media na nagpapakita na ang vaccine slots sa iba’t ibang local government units ay ibinibenta ng ilang “unscrupulous” individuals at nakadepende pa ang presyo sa brand ng vaccine.

Nagkakahalaga umano ng P10,000 hanggang P15,000 ang vaccination slots.

Nabatid na karamihan sa mga dumating na bakuna ay donasyon at ang iba ay binili ng ating gobyerno para ibigay ng libre sa publiko.

Pinayuhan ni Eleazar ang publiko na huwag magbayad, mag-register at hintayin ang kanilang turn o tamang slot.

Apela rin nito na kaagad isumbong sa PNP kapag may malaman na nagbebenta ng bakuna.