-- Advertisements --

Opisyal ng nagsimula ngayong araw ang voters registration sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Kaugnay nito, ang Commission on Elections (COMELEC) ay magkakaroon na rin ng pang-gabi na schedule ng registration upang bigyang-daan ang mga botante na may trabaho sa gabi na makapagpa-rehistro para makaboto.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, bukod sa mga local COMELEC Offices at Satellite Registration Sites, maaari rin silang magpa-rehistro sa mga malls, schools, terminals at iba pang lugar na kasali sa Register Anywhere Program (RAP). Paglilinaw ng poll body na itong Register Anywhere Program (RAP) ay magtatagal lamang hanggang ika-pito ng Agosto upang may oras pa na i-transfer ang kanilang mga impormasyon sa kani-kanilang mga lugar.

Para sa mga magpapa-rehistro ngayong araw, magdala na lamang ng kahit anong government issued IDs at para naman sa mga estudyante ay school IDs. Ang registration ay magtatagal lamang ng hanggang ika-sampu ng Agosto.

Ayon sa listahan ng COMELEC, ngayong araw may registration sa Luneta Park na bukas sa publiko mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Samantala, para naman sa pang-gabing schedule ngayong araw, mayroong isasagawa sa Lungsod ng Pasig at Quezon mula alas-singko ng hapon hanggang alas-dose ng madaling araw.

Kaugnay pa nito, bagaman, ito ay bukas para sa lahat, ang target ng poll body para sa registration na ito ay ang mga kabataang labing-lima hanggang labing-walong gulang para sa Sangguniang Kabataan Elections. Kaya naman hinimok ni Garcia ang mga kabataan na gamitin ang kanilang mga boses sa halalan.

Matatandaan na sinabi ng poll body na kung sakali man na hindi na matuloy ang BSKE sa Disyembre, may posibilidad na ito ay mas palawigin pa ng poll body upang mas maraming ma-cater na mga nais magpa-rehistro.