Handang makipagtulungan ang National Food Authority (NFA) para mahabol ang mga mapagsamantalang rice traders sa bansa, ayon kay NFA Administrator Larry Lacson.
Sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Marcos, pinapatiyak nito sa Department of Agriculture (DA) na mabantayan ang mga trader mula sa posibleng pananamantala sa mga magsasaka at pagmamanipula sa presyo ng bigas at palay.
Ayon kay Lacson, ang mariing pahayag ni Pang. Marcos laban sa mga trader ay patunay na pinakikinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga magsasaka.
Nakahanda aniya ang NFA na makipagtulungan sa DA atibapang ahensiya ng pamahalaan para isulong ang mga kampaniya laban sa mga mapagsamantalang trader at tuluyang mapanagot ang mga ito upang protektahan ang mga magsasakang Pilipino.
Iginiit ng opisyal na ang pangunahing layunin ng NFA ay protektahan at pangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka.
Ang mga ito aniya ay ang tunay na haligi ng seguridad sa pagkain sa bansa, tulad ng ipinagdidiinan ni Pang. Marcos sa kaniyang naging talumpati.
Samantala, nanindigan si Lacson na hindi man agaran ang solusyon na ginagawa ng NFA at DA, makakaasa aniya ang mga magsasaka na puspusan ang pagsasaayos at pagbabago sa sektor ng pagsasaka, kasama na ang pagpapanagot sa mga mapagmanipulang trader.