Nagpahayag ng pagkabahala ang House of Representatives sa ulat na posibleng pagbotohan ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nang hindi man lang hihintayin ang kanilang legal remedies.
Ayon kay House of Representatives Spokesperson Atty. Princess Abante, malinaw na hindi pa pinal ang pasya ng Korte Suprema at bilang institusyon na may eksklusibong kapangyarihan na mag-initiate o mag-asikaso ng impeachment, maghahain pa sila ng Motion for Reconsideration.
“We express deep concern over reports that the Senate may vote to act on the Supreme Court decision regarding the impeachment case against the Vice President without waiting for the House of Representatives to exhaust its available legal remedies,” pahayag ni Atty. Abante.
Ito aniya ay usapin ng constitutional right at institutional integrity lalo’t may nakita umanong factual errors sa inilabas na legal conclusions.
Giit ni Abante, dapat hintayin ng Senado na dinggin ng Supreme Court ang ihahaing MR ng Kamara.
Maaaring magkaroon umano ng interpretasyon na binabalewala ang due process kapag itinuloy ang isang premature na hakbang tulad ng pagbobotohan para abandonahin ang impeachment trial.
Ang malala pa ani Abante, magiging political shortcut ito na magsasantabi sa papel ng Kamara sang-ayon sa Konstitusyon kaya dapat panatilihin ang integridad ng impeachment process.
Binigyang-diin pa ng House official na tungkol ito sa pagprotekta sa democratic institutions at pagtataguyod sa checks and balances.
Panawagan naman nito sa mga senador na maging matiyaga at hayaang gumulong ang judicial process hanggang sa marating ang nararapat na pagtatapos nito.
“The House remains committed to the rule of law and will exhaust all legal remedies to protect its constitutional mandate and to ensure that accountability is not casually brushed aside,” pahayag ni Abante.