Buong suporta ang ibinigay ni Department of Education Secretary Sonny Angara na resolbahin ang matagal nang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa sa pamamagitan ng mas aktibong pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa ilalim ng Public-Private Partnerships (PPP) alinsunod na rin sa naging talumpati ng pangulo sa kanyang ika-apat na SONA.
Sinabi ni Angara na kasalukuyan ng nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga private partners upang mapabilis ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan.
Dagdag pa niya na sa nakalipas na taon ay nasa 6,000 classrooms lamang kada taon ang naitayo ng pamahalaan. Ngunit sa ilalim ng PPP model, maaaring makapagpatayo ng higit 100,000 silid-aralan sa loob ng limang hanggang sampung taon.
Bukod sa imprastruktura, sinabi rin ni Angara ang pangangailangang baguhin ang direksyon ng edukasyon upang maging tugma ito sa mga trabahong dulot ng teknolohiya at Artificial Intelligence (AI).
Kabilang sa mga inisyatiba ang pagpapatupad ng “TechPro” track para sa Senior High School, katuwang ang TESDA, CHED, at DOLE, upang mabigyan ang kabataan ng mas maraming oportunidad sa trabaho tulad ng graphic design at electrical work.