BAGUIO CITY – Hindi na nakakapasok sa trabaho ang ilang mga OFWs sa Iraq dahil sa lockdown doon dulot ng COVID-19 pandemic at sa patuloy na kaguluhang nararanasan sa ilang lugar sa bansa.
Isinalaysay ito ni Chargè d’Affaires Jomar Sadie sa panayam ng Bombo Radyo Baguio.
Ayon kay Sadie, 68 OFWs sa Iraq ang apektado nang “no work, no pay” policy.
Pinangangambahan aniya nila na madagdagan pa ang naturang bilang kasunod ng pagbaba ng presyo ng langis na pangunahing produkto ng Iraq.
Bagaman wala pa aniyang napabalitang Pinoy sa Iraq na nagpositibo sa COVID-19, sinabi niyang babalikatin naman ng pamahalaan ng Iraq ang lahat ng gastos kung may magkakasakit doon dahil sa COVID-19.
Sumasailalim din aniya ng istriktong quarantine protocols ang mga Pinoy na nagpapatulong sa embahada ng Pinas gaya ng mga biktima ng pagpapahirap ng kanilang mga employers.
Dinagdag ni Sadie na namahagi na rin sila ng mga relief packs sa mga apektadong OFWs sa Iraq.
Batay sa datus, higit 1,190 ang mga rehistradong OFWs sa Iraq habang aabot sa 450 ang mga undocumented.
Sa ngayon, umaabot na sa higit 1,800 ang nagpositibo sa COVID 19 sa Iraq habang higit 1,043 ang nakarekober at higit 82 naman ang nasawi dahil sa nasabing virus.