-- Advertisements --

Target ng Senado na simulan ang period of amendments o pag-amyenda sa panukalang pambansang pondo para sa 2026 sa susunod na linggo.

Sa panayam, inihayag ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na nagkaroon ng kaunting pagbabago sa schedule kaya sa Lunes, December 1, na lamang sisimulan ang pag-amyenda sa panukalang budget.

Paliwanag ng senador, maraming mambabatas at mga ahensya ng gobyerno ang patuloy na nagsusumite ng kanilang mga amendment kaya kinailangang iusog ang iskedyul.

Samantala, target ngayong araw na tapusin ang period of interpellation o debate sa budget ng mga ahensya ng gobyerno.

Target din ng Senado na maaprubahan ang budget sa second reading sa December 3 at sa third reading sa December 9.

Una nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi sesertipikahan bilang urgent bill ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang 2026 national budget.

Sa usapin ng bicameral conference committee para sa 2026 national budget, target ng Senado na maisagawa ito ngayong ikalawang linggo ng Disyembre.

Ayon kay Gatchalian, naglaan sila ng limang araw para sa bicam deliberations, ngunit maaari pa itong mabawasan kung tatanggapin ng Mababang Kapulungan ang bersyon ng Senado.

Kasalukuyan na ring inihahanda ang livestreaming ng bicameral meetings upang masiguro ang transparency sa proseso.

Ibinahagi ni Gatchalian na nagsimula na ang koordinasyon sa pagitan ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), Senate Committee on Finance, at Committee on Appropriations ng Kamara. May napili na rin umanong venue sa isang pasilidad sa Intramuros, na tinanggap din ng House panel bilang lugar ng pagsasagawa ng bicam.