Wala umanong duda na magagawang patulugin ni Pinoy ring superstar Sen. Manny Pacquiao si WBA “super” welterweight champion Keith Thurman sa kanilang bakbakan sa Hulyo.

Ito ang paniwala ng sparring partner ngayon ni Pacquiao na si Australian boxer Tim Tszyu.

Ayon kay Tszyu, hindi pa rin daw nawawala ang angking lakas ni Pacquiao sa loob ng ring, na ikinumpara pa nito sa kagat ng bubuyog.

“I think he will hurt Thurman, he comes forward real quickly. And when he got these angles, then he will catch Thurman. If he sees Thurman hurt, Pacquiao will go for the kill to get that TKO,” wika ni Tszyu.

Sinabi ni Tszyu na “mabilis at very relaxed” si Pacquiao sa ginawa nilang workout, na pinanood nina lead trainer Buboy Fernandez, conditioning coach Justin Fortune, at assistant trainers na sina Nonoy Neri at Roger Haplas.

Una nang inilarawan ni Fernandez na ang mas batang si Tszyu ay “copycat” ni Thurman, dahil sa istilo nito sa nakaraang mga laban.