Itinalaga si eight-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao bilang bagong Vice President ng International Boxing Association (IBA).
Ito ang kauna-unahang boxing federation sa buong mundo, bago naglitawan ang iba pang mga samahan.
Ginawa ang pormal na pagtatalaga sa Board of Directors meeting ng IBA na ginanap sa Maynila noong Oktubre 27, 2025, kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng “Thrilla in Manila.”
Bilang vice president, si Pacquiao ay inaasahang mangunguna sa pagbuo ng mga athlete-centered programs, pagpapalawak ng boxing sa rehiyon ng Asya, at pagtataguyod ng karapatan ng mga boksingero sa buong mundo.
Makakatrabaho niya si IBA President Umar Kremlev sa mga reporma at inisyatibong layong ibalik ang tiwala sa organisasyon matapos itong tanggalan ng karapatang mag-organisa ng Olympic boxing events ng International Olympic Committee (IOC) noong 2021 dahil sa mga isyu sa pamamahala at transparency.
Ang IBA na dating kilala bilang Amateur International Boxing Association, ay minsang namamahala sa boxing sa Olympics.
Ngunit sa darating na 2028 Los Angeles Olympics, ang World Boxing na ang mamamahala sa kompetisyon.
Sa kabila nito, nananatiling aktibo ang IBA sa mga pandaigdigang programa para sa mga amateur at professional boxers.
Bilang isa sa pinakakilalang atleta sa kasaysayan ng boxing, inaasahang magiging inspirasyon si Pacquiao sa mga bagong henerasyon ng boksingero.
Ang kanyang paglipat mula sa ring patungong boardroom ay simbolo ng kanyang patuloy na paglilingkod sa sports na nagbigay sa kanya ng pandaigdigang pagkilala.
















