Maaaring makatulong umano para matigil na ang walang basehang mga akusasyon ang pagtanggi ng kontraktor na si Curlee Discaya sa koneksiyon niya kay dating House Speaker Martin Romualdez, ayon kay Tingog Party-list Representative Jude Acidre.
Itinuturing din ng mambabatas na isang welcome development ang denial ni Discaya na nagbibigay diin sa pangangailangan ng evidence-based discourse at maaaring makatulong para matigil na ang pagpapakalat ng walang basehang mga alegasyon laban sa mga pinangalanan nang walang ebidensiya.
Matatandaan, lumutang ang alegasyon na nagsilbi umano si Discaya bilang front kay Romualdez sa umano’y pagbili ng high-end real-estate property sa Makati City.
Subalit, itinanggi ito ni Discaya at nilinaw na minsan lang niya nakita ang dating House Speaker sa isang public event at hindi niya kailanman ito nakausap. Ikinalungkot din ni Discaya ang pagkasangkapan sa kaniyang pangalan para kaladkarin ang pangalan ng dating House Speaker sa kontrobersiya.
Sinabi din ni Discaya na handa siyang akuin ang naturang property sa Makati kung ito ang gusto ng kaniyang kritiko, kahit na hindi ito totoo.
Kaugnay nito, iginiit ni Rep. Acidre na dapat na kung mayroon mang ebidensiya dapat itong ipresenta at kung wala naman, ipinapaubaya na nila ito sa publiko at sa mga taong pinangalanan.
Sa ngayon, nananatiling nakadetine si Discaya sa Senado may kinalaman sa umano’y pagkakasangkot niya sa kontrobersiya sa flood control anomaly.
















