-- Advertisements --

Nahadlangan umano ng mga otoridad sa Amerika ang isang package na naglalaman ng lasong ricin at nakapangalan kay US President Donald Trump bago pa man ito makarating sa White House.

Ayon sa mga opisyal, natuklasan ang liham sa isang screening facility para sa White House mail nitong nakalipas na linggo.

Natukoy sa ginawang eksaminasyon na laman ng envelope ang isang substance na tinatawag na ricin, isang lason na nakikita sa castor beans.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at ng Secret Service kung saan nanggaling ang package at kung may ibang nagpadala nito gamit ang US postal system.

Isa sa mga posibilidad na sinisilip ng mga miyembro ng US law enforcement ay nagmula umano sa Canada ang ricin package.

Sa panig naman ng Canada, sinabi ni Mary-Liz Power, chief spokeswoman ni Canadian Minister of Public Safety Bill Blair, nakikipagtulungan na sila sa mga otoridad sa Estados Unidos kaugnay sa isyu.

“We are aware of the concerning reports of packages containing ricin directed toward US federal government sites. Canadian law enforcement is working closely with their US counterparts. As this is an active investigation we cannot comment further,” saad ni Power.

Nabatid na nakalalason ang ricin at kung malunok, malanghap, o ma-inject sa katawan ng tao ay nagdudulot ito ng pagkahilo, pagsusuka, at internal bleding na mauuwi sa organ failure.

Sinabi ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), kung na-expose ang isang indibidwal sa ricin, posibleng bawian ito ng buhay mula 36 hanggang 72 oras, depende sa natanggap na dosage.

Saad pa ng CDC, ang naturang lason, na ginagamit na rin sa mga terror plot, ay maaaring gawin bilang sandata sa anyo ng powder, mist o pellet. (CNN/ BBC)