-- Advertisements --

Sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng Duterte Youth at Bagong Henerasyon party-lists dahil sa mga nakabinbing petisyon para sa kanilang diskwalipikasyon.

Ayon sa resolusyon ng National Board of Canvassers, “seryoso ang alegasyon” ng paglabag sa batas sa halalan na inihain laban sa dalawang party-list.

Mababatid na ang ang mga petisyon na laban sa Duterte Youth ay inihain nina Reeva Magtalas at iba pa noong Mayo 15, at ng Youth Advocates for Climate Action Philippines kasama ang student regents ng PUP at UP noong Mayo 8 habang isang abogado na si Russel Stanley Geronimo naman ang naghain ng kaso laban sa Bagong Henerasyon.

Mariing tinutulan ng Duterte Youth ang suspensyon at tinawag itong “grave abuse of discretion.” Nagbanta rin ang chairman nilang si Ronald Cardema na isisiwalat ang umano’y katiwalian sa Comelec at Kongreso kung hindi sila pauupuin.

Samantala, sinabi ng Bagong Henerasyon na wala silang natanggap na abiso tungkol sa kaso at nanawagan sa Comelec na ituloy ang kanilang proklamasyon bilang kinatawan ng mahigit 319,000 botante.

Sa kasalukuyan mayroong nakuhang 5.6% na boto ang Duterte Youth na katumbas ng tatlong puwesto sa Kongreso, habang may isang puwesto naman ang Bagong Henerasyon dahil sa nakuhang 0.8% na boto.