Ipinahayag ni Acting Philippine National Police (PNP) Chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang kanyang paghanga at pagpuri sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa kanilang mabilis at agarang aksyon sa pagtugis at paghuli sa mga indibidwal na sangkot sa kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ginawa nito ang pahayag matapos maaresto ang labimpito (17) sa kabuuang labingwalong (18) akusado na mayroong arrest warrant na inilabas ng korte.
Ayon kay Nartatez, ang natitira na lamang na pugante mula sa mga indibidwal na ipinag-utos ang pagdakip ng Laguna Regional Trial Court (RTC) branch 66 ay si Charlie “Atong” Ang.
Si Ang ay nahaharap sa mga kasong Kidnapping with Homicide at Serious Illegal Detention, na kapwa may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.
Dahil sa sitwasyong ito, agad na nagbigay ng direktiba si Nartatez na makipag-ugnayan ang PNP sa Bureau of Immigration upang mahigpit na mapigilan ang anumang pagtatangka ni Ang na makalabas ng bansa at makatakas sa pananagutan.
Kasabay nito, pinaigting ang seguridad at pagbabantay sa lahat ng mga paliparan at pantalan sa buong bansa.
















