-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng van driver na nasawi matapos na sumalpok sa kasalubong na bus sa national highway na sakop ng Barangay Fragante, Pandan, Antique, araw ng Lunes.

Kinilala ang biktima na si Dioleto Nagor, 64-anyos at residente ng Barangay Jumarap sa bayan ng Banga, Aklan.

Ayon sa kaniyang maybahay na si Gng. Monasol Nagor, lubos nilang ikinagulat ang pangyayari kung saan, nagtamo ng fatal na injury sa ulo ang kaniyang mister na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Aniya, dakong alas-5:30 ng madaling araw ng Lunes nang umalis sa kanilang bahay ang kaniyang mister dahil may susunduin itong pasahero ngunit hindi na ito nangyari dahil sa aksidente.
Dagdag pa ni Gng. Nagor, sa katunayan aniya ay napilitan silang ibenta ang kanilang van upang makapahinga na sa pamamasada ang kaniyang mister ngunit hinahanap aniya ito ng kaniyang katawan dahil dito na umikot ang kaniyang buhay at ang kanilang kabuhayan.

Batay sa kuha ng CCTV footage, makikitang mabilis ang takbo ng van at nagpagiwang-giwang muna ito bago sumalpok sa kasalubong na bus sa pakurbang daan sa nasabing lugar.

Sa kasalukuyan ay naghahanda na ang pamilya sa pagdating ng labi ng kaniyang mister.