Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump ang pagpili sa disenyo ng “Golden Dome,” isang missile defense shield na nagkakahalaga ng $175 billion na layong protektahan ang Amerika mula sa banta ng China at Russia.
Pinili rin niya si US Space Force General Michael Guetlein bilang mangunguna sa proyekto.
Layunin ng Golden Dome na bumuo ng daan-daang satellites upang tukuyin, subaybayan, at harangin ang mga paparating na missiles.
Inihalintulad ito ni Trump sa Star Wars defense system ni Ronald Reagan, ngunit aniya, ngayon ay posible na dahil sa makabagong teknolohiyang meron aniya ang Estados Unidos.
Ayon sa Canada, interesado rin silang maging bahagi ng proyekto bilang bahagi ng pinalalakas na ugnayan sa North American Aerospace Defense Command (NORAD) gayundin sa seguridad ng mga ito.
Ngunit may agam-agam ang mga eksperto at mambabatas. Ayon sa Congressional Budget Office, posibleng umabot sa $831 billion ang magiging gastos para sa proyekto na tatagal ng 20 taon.
Pinangalanan naman ang ilang kumpanyang posibleng maging contractor ng proyekto, gaya ng SpaceX ni Elon Musk, Palantir, Anduril, L3Harris, Lockheed Martin, at RTX.
Bagamat may panukalang $25 billion na paunang pondo, nakaangkla ito sa isang kontrobersyal na reconciliation bill sa Kongreso, na maaaring magpabagal sa buong proyekto.