-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa National Bureau of Investigation (NBI) si Vice Pres. Leni Robredo dahil sa mga naging hakbang nito kontra COVID-19.

Sa isang statement, sinabi ni PACC commissioner Manuelito Luna na tila nakikipag-kompetensya at nilalamangan ng bise presidente ang pamahalaan dahil sa hiwalay na efforts nito.

Kinuwestyon ni Luna ang libreng shuttle service na alok ng Office of the Vice President (OVP) para sa healthcare workers; ang dormitoryo para sa frontliners; at donasyon ng personal protective equipment (PPEs).

Giit ng PACC commissioner, limitado ang bise presidente na makipag-kompetensya sa frontline agencies ng pamahalaan tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development at National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine, nag-alok ng libreng sakay ang OVP sa healthcare workers na nahirapang pumasok sa kanilang trabaho dahil sa pagbabawal ng pampublikong transportasyon.

Wala rin kasing inilaan ang gobyerno na mga alternatibo para sa frontliners na naapektuhan ng lockdown.

Sa tulong naman ng non-government organization na partners, nakapagbukas din ang OVP ng libreng dormitoryo para sa healthcare workers.

Lumabas ang ulat kamakailan na may ilang nurse at hospital staff na nakaranas ng discrimination dahil sa pagiging frontliner.

Sa kasalukuyan, nasa higit P40-milyong donasyon na ang nalikom ng OVP, kasama ang private partner nitong Kaya Natin.

Sa pamamagitan ng mga donasyon, nakabili at nakapamigay ng PPE si Robredo sa mga ospital na nagkaubusan ng supply ng naturang gamit.

“Sa halagang ito, makakapagbigay tayo ng 90,753 PPE sets, na sapat para sa 15 araw ng trabaho ng 6,050 medical frontliners.”

“Kasama rin dito ang 11,384 food and care packages na maibibigay natin sa iba pa nating frontliners, kabilang na ang mga security guards, midwives, janitors, at iba pang tumutulong na magpatakbo ng mga ospital sa mapanghamong panahong ito.”