-- Advertisements --

Pinatanggal na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ngayong araw sa mga e-wallet platforms ang links ng online gambling sites.

Ito ang kinumpirma ni Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Mamerto Tangonan sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement.

Ayon kay Tangonan, binigyan nila ng 48 oras upang tumalima ang mga e-wallets.

Kinuwestiyon ito ni Senador Alan Peter Cayetano, lalo’t tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na kaya namang agad tanggalin ang mga link sa parehong araw.

Dagdag pa ng senador, hindi dapat hintayin ang pagdinig bago magpatupad ng aksyon, at iginiit na bilang regulator ng e-wallets, dapat ay mas mabilis ang central bank sa pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon laban sa ilegal na online gambling.

Sinabi naman ng BSP na layunin nilang bigyan ng sapat na oras ang lahat ng e-wallet operators para matiyak ang pagtanggal ng links at maipaalam ito sa publiko.

Ngunit nanindigan si Cayetano na mas mahalaga ang agarang aksyon upang maiwasan ang dagdag na biktima ng sugal online.