-- Advertisements --

Nagtulungan ang Department of Energy (DOE) at ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa paghahanda ng energy sector laban sa mga sakuna.

Matapos pirmahan noong Agosto 12, 2025 ng dalawang sektor ang isang kasunduan para pagsamahin ang kanilang mga sistema ukol sa mga kalamidad.

Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng DOE sa pagtugon sa mga sakuna sa pamamagitan ng real-time data mula sa GeoRiskPH ng PHIVOLCS at Energy Disaster Information Management System (EDIMS) ng DOE.

Kung saan magpapabilis ito sa pagtukoy ng banta sa mga pasilidad ng enerhiya at magsisilbing gabay sa paggawa ng mas matatag na imprastruktura.

Ayon kay DOE Undersecretary Felix William Fuentebella, mahalaga ang paggamit ng scientific data upang mapanatili ang seguridad at pagiging maaasahan ng enerhiya sa gitna ng banta ng climate change.

Ang proyekto ay sumusunod sa naunang REDAS system na kanilang pinagtulungan noong 2018, at ngayon ay mas pinalawak upang masaklaw ang iba pang panganib gaya ng lindol, pagputok ng bulkan, at pagbaha.

Nakatuon ito sa layunin ng administrasyong Marcos na maghatid ng ligtas, abot-kaya, at malinis na enerhiya sa bawat Pilipino.