-- Advertisements --

Umabot na sa 120 gasoline station ang natukoy non operational dahil sa matinding hagupit ng Super Typhoon Uwan, batay sa report na inilabas ng Department of Energy (DOE).

Ito ay mula sa 8,997 gas stations na pawang nasa mga lugar na natukoy na naapektuhan ng malakas na bagyo.

Marami sa mga ito ay nasira sa kasagsagan ng bagyo habang ang iba ay inabot ng matinding pagbaha. Ang iba ay kinailangan nang isara bilang precautionary measure sa epekto ng bagyo.

Naitala sa probinsiya ng Pangasinan ang pinakamaraming naapektuhan na umabot sa 33 gas stations, 13 sa Canarines Sur, at 12 sa Nueva Ecija.

Sa kasalukuyan, dalawang refilling plants din ang non operational habang isang oil depot sa Luzon ang pansamantala ring hindi magamit dahil sa epekto ng bagyo.

Maliban sa gas stations, umabot din sa 64 electric vehicle (EV) charging stations ang nananatiling offline dahil sa epekto ng bagyo.

Pinakamarami sa mga ito ay mula sa National Capital Region kung saan naapektuhan ang mahigit 20 charging stations. Sa buong Luzon na matinding hinagupit ng bagyo, halos 40 charging stations ang apektado, dala na rin ng malawakang power outage.

Marami sa mga ito ay nagsimula pa noong pananalasa ng bagyong Tino.