Inaasahang mas maraming low-income electricity consumers ang makatatanggap ng mas mababang bayarin sa kuryente matapos padaliin ng Department of Energy (DOE) ang pag-access sa subsidies sa ilalim ng Lifeline Rate Program.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, pinasimple na ang enrollment process para sa 4Ps beneficiaries at iba pang kuwalipikadong marginalized consumers sa pamamagitan ng automated data validation gamit ang beneficiary lists ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa bagong sistema, hindi na kailangang magsumite ng dokumento ang mga 4Ps households, habang magsasagawa naman ang mga social worker ng field validation para sa mga non-4Ps households upang matiyak ang kanilang eligibility.
Kasabay nito nakatakda namang magsagawa ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng public consultations para sa draft ng Lifeline Subsidy Rules, na layong magpatupad ng iisang lifeline subsidy para sa lahat ng marginalized end-users at iisang lifeline charge para sa mga end-users na magsu-subsidize.
Tiniyak ng DOE na prayoridad nito ang mas mabilis, mas simple, at mas malawak na access sa subsidy para sa mga tunay na Pilipinong nangangailangan.















