-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Energy – Renewable Energy Management Bureau (DOE-REMB) na mahalaga ang mga pumped storage hydropower projects sa paglipat ng Pilipinas mula sa paggamit ng fossil fuels patungo sa renewable energy.

Ayon kay Ariel Fronda, OIC ng Hydropower & Ocean Energy Management Division ng DOE-REMB, unti-unti nang pinapalitan ang coal at oil-based power plants ng mas malilinis na alternatibo.

Ito ay kasunod ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) noong Hulyo 31 sa Antipolo City para sa pagbuo ng Multipartite Monitoring Team (MMT) na tututok sa 600-megawatt (MW) Wawa Pumped Storage Hydroelectric Power Project ng Olympia Violago Water and Power Inc. (OVWPI), isang subsidiary ng Prime Infra.

Sinabi ni Fronda na malaki ang benepisyong matatanggap ng mga lokal na pamahalaan na tatanggap ng proyekto, kabilang ang pondo mula sa Energy Regulations No. 1-94, kung saan may bahagi sa kita ng kuryente ang ibinibigay sa host communities.

Target simulan ang operasyon ng Wawa project sa 2030 kung saan magbibigay ng 6,000 megawatt-hours (MWh) na daily energy storage sa Luzon grid, at magsisilbing suporta sa stability ng suplay ng renewable energy.

Ang MMT ay bubuo ng lokal na grupo mula sa iba’t ibang sektor upang tiyakin ang pagsunod sa mga pamantayan sa kalikasan at lipunan habang isinasagawa ang proyekto.