Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang mga kompanyang nagpapatakbo ng 25 power plants na nasa forced outage at 8 iba pa na nasa derated capacities sa Visayas at Mindanao na agad ayusin at ibalik sa normal na operasyon ang kanilang mga pasilidad.
Layon ng utos na patatagin ang power supply sa dalawang rehiyon, na ilang beses nang isinailalim sa yellow alert status dahil sa mababang power reserves.
Kung saan sa Visayas, pangatlong beses na itong nangyari ngayong buwan, partikular mula ala-1 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Batay sa ulat ng DOE, 14 planta sa Visayas ang kasalukuyang naka-forced outage, habang 5 ay derated habang sa Mindanao, 11 planta ang naka-forced outage at 3 ang derated.
Itinalaga ni Energy Secretary Sharon Garin si Undersecretary Mario Marasigan para pangunahan ang koordinasyon sa mga apektadong power companies at tiyakin ang mabilis na pagbabalik-operasyon ng mga planta.
“We expect full cooperation and accountability. Delays are no longer acceptable at this point,” ayon kay Garin.
Hinikayat din ng DOE ang mga private distribution utilities na maging handa sa posibleng activation ng Interruptible Load Program (ILP) — isang hakbang kung saan ang mga negosyo na may sariling power source ay hinihimok na gumamit muna ng sarili nilang kuryente upang mabawasan ang demand sa grid.
Dagdag pa rito, nanawagan din ang DOE sa publiko at mga establisyimento at komersyal na magtipid sa kuryente, lalo na sa mga peak hours.