-- Advertisements --

Isang planta ng nuclear sa France ang pansamantalang isinara noong Lunes matapos pasukin ng napakaraming jellyfish ang mga filter ng pasilidad.

Ayon sa operator nitong EDF, naapektuhan ang sistema ng paglamig ng Gravelines nuclear power plant sa hilagang France, kaya awtomatikong nagsara ang apat sa anim na reactors nito. Ang natitirang dalawa ay naka-schedule nang isara para sa maintenance.

Tiniyak ng EDF na walang naging epekto sa kaligtasan ng planta, mga tauhan, o kapaligiran ang pagdami ng Jellyfish na nasa non-nuclear na bahagi ng planta.

Ipinaliwanag pa ng mga eksperto na ang mainit na panahon sa Europa ang posibleng dahilan ng pagdami ng jellyfish, na natural na matatagpuan sa North Sea.

Ayon sa isang nuclear engineer, nakalusot ang jellyfish sa mga unang filter dahil sa kanilang malambot na katawan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito; may mga katulad na insidente na rin sa ibang nuclear plants sa nakaraan, ngunit ito ay itinuturing na bihira.