-- Advertisements --

Nagbukas ang nasa 19 na Department of Health (DOH) hospitals ng fast lanes para sa mga kinapitan ng sakit na leptospirosis.

Ito ay para mas mapabilis ang konsultasyon at gamutan sa mga nalubog sa baha bunsod ng mga nagdaang bagyo at habagat na nanalasa sa bansa noong nakalipas na buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon.

Sa ilalim ng Fast Lanes, isinasagawa ang assessment upang matukoy kung kailangan bang ma-admit sa ospital ang isang pasyente o hindi. Sinusuri din dito ang risk level ng pasyente para maresetahan ng tamang pag-inom ng gamut na doxycycline.

Kabilang sa mga ospital ng DOH na mayroong fast lanes ay ang San Lorenzo Ruiz General Hospital, East Avenue Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Philippine Orthopedic Center, San Lazaro Hospital, Valenzuela Medical Center, Tondo Medical Center, Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Rizal Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, National Children’s Hospital, National Center for Mental Health, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Research Institute for Tropical Medicine.

Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na agad kumonsulta sa doktor sakaling lumusong o nalubog sa baha o putik upang maiwasang madapuan ng sakit.

Sa datos ng DOH, nasa kabuuang 2,396 leptospirosis cases sa buong bansa na ang naitala simula noong Hunyo mula nang magsimula ang panahon ng tag-ulan.